Hindi ko alam kung tama bang bulabugin ka sa ganitong kalagitnaan ng maginaw na gabi. Hindi ko rin alam kung makatarungan bang gambalain ka sa yong payapang himlayan para makinig sa aking mga litanyang dala lang marahil ng pagod at pagkabalisa.Ni hindi ko rin alam kung marapat bang makipagpalagayang loob sayo gayong alam na alam ko naman na kylan man ay di tayo magpapang-abot. Literal na langit at lupa ang ating pagitan.Literal na suntok sa buwan.
Pero sa gitna ng salasalabid na hindi-ko-alam, isa lang ang natitiyak ko: Ikaw ang tinig ng kahapon, at ako?ako ay isa lamang sa sanlaksang tinig ng ngayon. At sa lupang kinatatayuan ko, dito malayang dumaloy ang yong dugo, maraming taon na ang nakakaraan, dugo na dumilig sa tigang na lupa ng kawalang pag-asa. Wala na sigurong nilalang buhay man o patay na makahihigit pa sayo.
At yaman din lamang na isang buong aklatan na ang nailaan para sayo, marapat lamang sigurong ako na man ang magkwento sa aking kasalukuyang panahon.
Marahil, at ito’y pagbabakasakali lang, gusto mo ring itanong sa akin kung ano na ang muka ng mundo ngayon. Kung ano ang nangyari sa iyong mga ipinaglaban noon, kung nasan na ba ang Pilipinas ngayon.
Gusto kong malaman mo ang ilang mga bagay nang sa gayon kung sakali man lang na magawi ka sa bahaging ito ng malawak na lupalop ng mundo, hindi ka na magugulat pa.
Sa aking panahon, dalawa lang ang konsepto ng kagandahan:
1. Mukang mestisa (ito ay mas kilala sa “i-want-a-radiant-face-not-a-bunch-of-mannequins sydrome)
2. Mukang chekwa (salamat sa maalamat na si Sanchai at ang mas maalamat nyang kulay rosas na bag)
Gusto kong ipabatid sayo na sa aking kasalukuyang panahon, hindi na uso ang kasabihang “ang kagandahan ay nasa kalooban” . Kaya pihado ko, kung nabuhay sa panahon ko sina Tandang Sora, Gabriela Silang, Leonor Rivera at Teodora Aquino mahihirapan silang mghanap ng makakadaupang palad.
Hindi na rin uso ang ” ang tunay na kagandahan ay wala sa pisikal na anyo”. Anupa’t kung wala ka na man ni sa kalingkingan ng dalawang ito–ang pagiging mestisa at pagiging chekwa ang tawag sayo ay exotic beauty. Tama si Tarosa-Subido: “God, make me a foreigner in my own country!”
Ngunit maiba muna, naisip ko lang, hindi na rin magiging mahirap pa sayo ang makibagay sa kasalukuyang panahon.
Kung ikaw pa rin ang m´ama’ng nakilala ko sa paglalarawan ni Zaide (ang yong anyo ay parang mapang iginuhit sa aming mga memorya) batid kong sa mga sandaling ito ay payapa ka pa ring nakahimlay sa yong kinaroroonan suot ang yong walang kupas na itim na Amerikana, itim na sapatos, itim na sumbrero, itim na itim at alon-alon na buhok na bahagyang nakatunghay sa gawing kanan ng yong noo.
Ang lahat ng palatandaang ito, walang duda, hindi pwedeng ipagkamali. Walang pasubali, taliwas sa inaakala ng marami; sa Pilipinas talaga unang sumibol ang EMO Society(habang tumatagal, lalong tumatatag!). At ikaw, oo ikaw nga, ikaw talaga ang kauna-unahang emo sa Pilipinas.
Ngunit sa harap ng mga pagbabagong ito, may ilan pa ring hindi nagbago. Nananatili pa ring mapanganib ang bansa para sa mga manunulat at mamamahayag. Ang paraan lang ng pgsupil at pananakot ang nagbago. Sa katunayan, naungusan na natin ang Iraq sa tala ng mga mapanganib na bansa para sa mga manunulat. Kaya kung sa kasamaang palad ay magawi ka dito, mas makabubuti sigurong mgpaka dalubhasa ka na lang sa pag gamot at wag ng tangkain pang magsulat, yan na lang marahil kung pinapangarap mong maulit ang trahedya ng kahapon. Maari ka ring magtrabaho sa mga call sener, pihado ko, malaki-laki ang magiging sahod mo pag nagkataon, lalo pa’t dalawampu’t-dalawang lengwahe ang aalam mo.
Alam kung marami ka pang dapat malaman na marahil ayaw mo na ring alamin. At mas mabuti na sigurong wag mo na lang usisain pa.
At sa lahat ng ito, isa lang ang naiisip ko: ngangailangan na muli ng isang rebolusyon.
Oo, rebolusyon, hindi sa punyal at dahas kundi rebulusyon ng diwa. Ang pagbabalik sa “Pilipino’ ng kanyang dating pagkakakilala sa sarili bago pa man ang mito ng “”i-want-a-radiant-face-not-a-bunch-of-mannequins”, bago pa man naimbento si britney spears, paris hilton, ang pagmamahalang kinasihan ng mga bampira, ang mga mamahaling panyapak na itago na lang natin sa tatak na havaianas, at ang mga nagsasayaw na naka-two-piece sa katanghaliang tapat, at marami pang iba..
Pero sa ngayon, paalam na muna, matulog ka ng mahimbing, may iilan pa ding naniniwala at ipinagpapatuloy ang sinimulan mo. At muli, pasensya sa abala. Hindi ko intensyon na mag-iwan pa ng alalahanin. Saka na natin pag-usapan ang tungkol sa rebolusyon, maghahanap na muna ako ng ilang kasama, at kung wala mang mahagilap, tuloy pa rin ang laban. Dahil sa kahuli-hulian hindi bat ang tunay na malaya ay yaong panginoong ng knyang sarili.
Posted in mga kwentong katol | 6 Comments »
.